11. Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kaniyang lakas; Hanapin ninyo ang kaniyang mukha na palagi.
12. Alalahanin ninyo ang kaniyang kamanghamanghang mga gawa na kaniyang ginawa; Ang kaniyang mga kababalaghan, at ang mga kahatulan ng kaniyang bibig;
13. Oh kayong binhi ng Israel na kaniyang lingkod, Kayong mga anak ni Jacob na kaniyang pinili.
14. Siya ang Panginoon nating Dios; Ang kaniyang mga kahatulan ay nasa sangkalupaan.
15. Alalahanin ninyo ang kaniyang tipan magpakailan man, Ang salita na kaniyang iniutos sa libolibong sali't saling lahi;
16. Ang tipan na kaniyang ginawa kay Abraham, At ang kaniyang sumpa kay Isaac:
17. At pinatotohanan din kay Jacob na pinaka palatuntunan, Kay Israel na pinaka walang hanggang tipan:
18. Na sinasabi, Sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan, Ang kapalaran ng inyong mana:
19. Noong kayo'y kakaunting tao sa bilang; Oo, totoong kaunti, at nangakikipamayan doon;
20. At sila'y nagsiyaon sa bansa at bansa, At mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.
21. Hindi niya tiniis na gawan sila nino man ng kasamaan; Oo, kaniyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;
22. Na sinasabi, Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran ng langis, At huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.
23. Kayo'y magsiawit sa Panginoon, buong lupa, Ihayag ninyo ang kaniyang pagliligtas sa araw-araw.
24. Ipahayag ninyo ang kaniyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa, Ang kaniyang mga kamanghamanghang gawa sa gitna ng lahat ng mga bayan.
25. Sapagka't dakila ang Panginoon, at marapat na purihing mainam: Siya rin nama'y marapat na katakutan ng higit sa lahat na dios.
26. Sapagka't lahat ng dios ng mga bayan ay mga diosdiosan: Nguni't nilikha ng Panginoon ang mga langit.
27. Karangalan at kamahalan ang nangasa harap niya: Kalakasan at kasayahan ang nangasa kaniyang tahanan.
28. Mangagbigay kayo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan, Mangagbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at ng kalakasan.