1 Mga Cronica 11:15-30 Ang Biblia (TLAB)

15. At binaba sa malaking bato si David ng tatlo sa tatlongpung pinuno, sa loob ng yungib ni Adullam; at ang hukbo ng mga Filisteo ay humantong sa libis ng Raphaim.

16. At si David nga ay nasa katibayan, at ang pulutong ng mga Filisteo ay nasa Bethlehem noon.

17. At si David ay nagbuntonghininga, at nagsabi, Oh may magbigay sana sa akin ng tubig sa balon ng Bethlehem na mainom, na nasa siping ng pintuang-bayan!

18. At ang tatlo'y nagsisagasa sa hukbo ng mga Filisteo, at nagsiigib ng tubig sa balon ng Bethlehem na nasa siping ng pintuang-bayan, at kinuha at dinala kay David: nguni't hindi ininom ni David yaon, kundi ibinuhos na pinakainuming handog sa Panginoon.

19. At sinabi, Huwag itulot sa akin ng aking Dios na aking gawin ito; iinumin ko ba ang dugo ng mga lalaking ito na ipinain ang kanilang buhay sa pagkamatay? sapagka't sa pagpapain ng kanilang mga buhay ay kanilang dinala. Kaya't hindi niya ininom. Ang mga bagay na ito ay ginawa ng tatlong makapangyarihang lalake.

20. At si Abisai na kapatid ni Joab, siyang pinuno ng tatlo: sapagka't kaniyang itinaas ang kaniyang sibat laban sa tatlong daan, at pinatay niya sila, at nagkaroon ng pangalan sa tatlo.

21. Sa tatlo, siya'y lalong marangal kay sa dalawa, at ginawang kanilang pinunong kawal: gayon ma'y hindi siya umabot sa unang tatlo.

22. Si Benaias na anak ni Joiada, na anak ng isang matapang na lalake sa Cabseel, na gumawa ng mga makapangyarihang gawa, ay kaniyang pinatay ang dalawang anak ni Ariel na taga Moab: siya'y bumaba rin naman at pumatay ng isang leon sa gitna ng isang hukay sa panahon ng niebe.

23. At siya'y pumatay ng isang taga Egipto, na isang lalaking may malaking bulas, na limang siko ang taas; at sa kamay ng taga Egipto ay may isang sibat na gaya ng panghabi ng manghahabi; at binaba niya siya na may isang tungkod, at inagaw ang sibat sa kamay ng taga Egipto, at pinatay niya siya ng kaniyang sariling sibat.

24. Ang mga bagay na ito ay ginawa ni Benaias na anak ni Joiada, at nagkapangalan sa tatlong makapangyarihang lalake.

25. Narito, siya'y lalong marangal kay sa tatlongpu, nguni't hindi siya umabot sa unang tatlo: at inilagay ni David sa kaniya na bantay.

26. Ang mga makapangyarihang lalake naman sa mga hukbo; si Asael na kapatid ni Joab, si Elchanan na anak ni Dodo na taga Bethlehem:

27. Si Samoth na Arorita, si Helles na Pelonita;

28. Si Ira na anak ni Acces na Tecoita, si Abiezer na Anathothita;

29. Si Sibbecai na Husatita, si Ilai na Ahohita;

30. Si Maharai na Nethophatita, si Heled na anak ni Baana na Nethophatita;

1 Mga Cronica 11