1 Juan 2:14-23 Ang Biblia (TLAB)

14. Kayo'y aking sinulatan, mga ama, sapagka't inyong nakikilala yaong buhat pa nang pasimula ay siya na. Kayo'y aking sinulatan, mga binata, sapagka't kayo'y malalakas, at ang salita ng Dios ay nananahan sa inyo, at inyong dinaig ang masama.

15. Huwag ninyong ibigin ang sanglibutan, ni ang mga bagay na nasa sanglibutan. Kung ang sinoman ay umiibig sa sanglibutan, ay wala sa kaniya ang pagibig ng Ama.

16. Sapagka't ang lahat na nangasa sanglibutan, ang masamang pita ng laman at ang masamang pita ng mga mata at ang kapalaluan sa buhay, ay hindi mula sa Ama, kundi sa sanglibutan.

17. At ang sanglibutan ay lumilipas, at ang masamang pita niyaon; datapuwa't ang gumagawa ng kalooban ng Dios ay nananahan magpakailan man.

18. Mumunting mga anak, ito ang huling oras: at gaya ng inyong narinig na darating ang anticristo, kahit ngayon ay lumitaw ang marami nang anticristo; kaya nga nalalaman natin na ito na ang huling oras.

19. Sila'y nangagsilabas sa atin, nguni't sila'y hindi sa atin; sapagka't kung sila'y sa atin ay nagsipanatili sana sa atin: nguni't nangagsilabas, upang sila'y mahayag na silang lahat ay hindi sa atin.

20. At kayo'y may pahid ng Banal, at nalalaman ninyo ang lahat ng mga bagay.

21. Hindi ko kayo sinulatan ng dahil sa hindi ninyo nalalaman ang katotohanan, kundi dahil sa inyong nalalaman, at sapagka't alin mang kasinungalingan ay hindi sa katotohanan.

22. Sino ang sinungaling kundi ang tumatanggi na si Jesus ay siyang Cristo? Ito ang anticristo, sa makatuwid ay ang tumatanggi sa Ama at sa Anak.

23. Ang sinomang tumatanggi sa Anak, ay hindi sumasa kaniya ang Ama: ang nagpapahayag sa Anak ay sumasa kaniya naman ang Ama.

1 Juan 2