1. Mumunti kong mga anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo upang kayo'y huwag mangagkasala. At kung ang sinoman ay magkasala, ay may Tagapamagitan tayo sa Ama, si Jesucristo ang matuwid:
2. At siya ang pangpalubag-loob sa ating mga kasalanan; at hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi ng sa buong sanglibutan din naman.
3. At sa ganito'y nalalaman natin na siya'y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang kaniyang mga utos.
4. Ang nagsasabing, Nakikilala ko siya, at hindi tumutupad ng kaniyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kaniya;
5. Datapuwa't ang sinomang tumutupad ng kaniyang salita, tunay na sa kaniya ay naging sakdal ang pagibig ng Dios. Dahil dito'y nalalaman nating tayo'y nasa kaniya:
6. Ang nagsasabing siya'y nananahan sa kaniya ay nararapat din namang lumakad na gaya ng inilakad niya.
7. Mga minamahal, wala akong isinusulat sa inyo na anomang bagong utos, kundi ang dating utos na nasa inyo buhat nang pasimula; ang dating utos ay ang salita na inyong narinig.
8. Muli, isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, bagay na tunay sa kaniya at sa inyo; sapagka't ang kadiliman ay lumilipas, at ang tunay na ilaw ay lumiliwanag na.
9. Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag at napopoot sa kaniyang kapatid, ay nasa kadiliman pa hanggang ngayon.
10. Ang umiibig sa kaniyang kapatid ay nananahan sa liwanag, at sa kaniya'y walang anomang kadahilanang ikatitisod.
11. Nguni't ang napopoot sa kaniyang kapatid ay nasa kadiliman, at lumalakad sa kadiliman, at hindi niya nalalaman kung saan siya naparoroon, sapagka't ang kaniyang mga mata ay binulag ng kadiliman.
12. Kayo'y sinusulatan ko, mumunti kong mga anak, sapagka't ipinatawad sa inyo ang inyong mga kasalanan dahil sa kaniyang pangalan.
13. Kayo'y sinusulatan ko, mga ama, sapagka't inyong nakikilala yaong buhat pa nang pasimula ay siya na. Kayo'y sinusulatan ko, mga binata, sapagka't inyong dinaig ang masama. Kayo'y aking sinulatan, mumunting mga anak, sapagka't inyong nakikilala ang Ama.
14. Kayo'y aking sinulatan, mga ama, sapagka't inyong nakikilala yaong buhat pa nang pasimula ay siya na. Kayo'y aking sinulatan, mga binata, sapagka't kayo'y malalakas, at ang salita ng Dios ay nananahan sa inyo, at inyong dinaig ang masama.
15. Huwag ninyong ibigin ang sanglibutan, ni ang mga bagay na nasa sanglibutan. Kung ang sinoman ay umiibig sa sanglibutan, ay wala sa kaniya ang pagibig ng Ama.
16. Sapagka't ang lahat na nangasa sanglibutan, ang masamang pita ng laman at ang masamang pita ng mga mata at ang kapalaluan sa buhay, ay hindi mula sa Ama, kundi sa sanglibutan.